Calida kay Coco Martin: ‘If I had not been SolGen, I will make you eat your words’

4079

Tahasang sinabi ni Solicitor General Jose Calida na pinapagulo lamang ng mga Kapamilya celebrity ang isyu kaugnay ng tigil-operasyon ng ABS-CBN dahil sa kawalan ng karampatang prangkisa.

Sa pagdinig ng Kongreso nitong Lunes ukol sa franchise renewal, partikular na pinuna ni Calida si Coco Martin na mariin siyang binatikos sa ilang social media post.

“Kapag ang pamilya ko kinanti, kahit sino ka pa, lalaban ako nang patayan sa’yo kahit patayin mo pa ako. Maraming salamat Solicitor General Joe Calida at sa bumubuo ng NTC sa kontribusyon ninyo sa ating bayan! Tinatarantado ninyo ang mga Pilipino!” mensahe ng aktor na tinukoy ng kawani.

Giit ni Calida, halatang walang alam si Martin sa sitwasyon bunsod ng ugaling ipinakita nito sa publiko.

Dagdag pa niya, hindi raw mareresolba ng Kapamilya star ang isyu sa prangkisa ng home network sa pamamaraan ng “pakikipaglaban” niya sa pinagbibidahang teleserye.

“If I had not been the Solicitor General, I would have called his (Coco Martin’s] bluff and make him eat his words,” babala pa ng opisyal.

Nakatakda ang susunod na pagdinig ng Kamara sa Miyerkoles, Hunyo 3.




Facebook Comments