Tuloy-tuloy ang pamimigay ng food box at hotmeals ng City Social Welfare and Development Department sa mga residente ng Caloocan na nasalanta ng Bagyong Ulysses.
Ayon kay Mayor Oscar “Oca” Malapitan, may naka-imbak na relief packs sa Caloocan High School na nakalaan para sa mga kalamidad na tulad nito kaya maagap na naumpisahan ang pamimigay ng tulong.
Personal na pinuntahan kanina ni Mayor Oca ang Barangay 164 at Barangay 32 upang kumustahin at bigyan ng relief packs ang mga biktima ng kalamidad.
Bukod dito ay nagsagawa ang Pamahalaang Lungsod ng Caloocan ng medical mission sa Manuel L. Quezon Elementary School at Kalayaan Elementary School para sa mga indibidwal at mga pamilyang lumikas dahil sa Bagyong Ulysses.
Samantala, patuloy rin ang clearing operations ng mga tauhan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office at Caloocan City Engineering Office sa mga humambalang sa mga kalye dahil sa malakas na hanging dala ng bagyo katulad ng puno na natumba sa main road ng Brixton Ville Subdivision.
May nabuwal ding puno na naalis na sa Pangarap Village sa Brgy. 182 at dumagan pa ito sa isang bahay kung saan walang nasaktan.
Inalis na rin ang mga lumaylay na malalaking sanga ng puno sa kahabaan ng Congressional Road.