Caloocan City, nagpatupad ng total lockdown sa ilang lugar sa lungsod dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19

Nagsimula na kaninang alas-12 ng madaling araw ang total at granular lockdown sa ilang lugar sa Caloocan City dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Ayon sa Caloocan-Local Government Unit (LGU), kabilang sa mga naapektuhan ng total lockdown ang mga residente ng Barangay 7 habang ipinatutupad naman ang granular lockdown sa ilang kalye ng Barangay 157.

Kabilang sa apektado ang Malolos Avenue mula sa Dinalaga St. hanggang Tangke St.,; Malolos Interior at Imelda Alley; Tangke Road mula sa Malolos Avenue hanggang Cua Alley at Tieremos St. kabilang ang Acdol Alley at Reyes Alley.


Pinapaalalahanan ang mga apektadong residente na hindi na maaaring lumabas maliban sa mga medical frontliner, pulis, mga kawani ng pamahalaang barangay at mga nangangailangan ng medical attention.

Sa panahong ito, magsasagawa ng mass swab testing, contact tracing at closed monitoring ang pamahalaang lokal sa mga residente.

Magtatagal naman ang lockdown hanggang hatinggabi sa Setyembre 11.

Facebook Comments