Nagpapasalamat si Caloocan City Public Employment Service Office (PESO) Manager Ms. Beng Gonzales sa mga kompaniya na sumunod sa kanilang mga pakiusap na i-hired on the spot agad ang mga residente nila na naghahanap ng trabaho.
Ito’y sa ginaganap nilang Mega Job Fair sa Caloocan City Sports Complex.
Sa pahayag ni Ms. Beng, malaking tulong sa mga residente ng Caloocan ang mga kumpanya na ito lalo na’t ilan sa mga ito ay nawalan ng trabaho bunsod ng COVID-19 pandemic.
Dagdag pa ni Ms. Beng, hangad ng kanilang tanggapan partikular ang lokal na pamahalaan ng Caloocan na matulungan mabigyan ng trabaho ang kanilang residente upang makaahon sila sa kanilang kabuhayan.
Nasa 50 kumpaniya mula local at overseas ang nakilahok sa nasabing mega job fair at nasa 6,000 trabaho ang maaaring aplayan ng mga jobseekers.
Sa kasalukuyan, nasa higit 50 indibidwal na ang no-hired on the spot na karamihan ay sales staff, service crew, maintenance, office assistant at iba pa na pawang mga local company.
Katuwang sa nasabing aktibidad ng Caloocan City PESO ang DZXL Radyo Trabaho na nag-aalok rin ng mga bakanteng trabaho tulad ng company driver, production assistant at news writer.
Ngayon pa lamang ay pinaplano na ng Caloocan City PESO na magkasa muli ng job fair sa darating na Oktubre kung saan bukod sa DZXL Radyo Trabaho, nasa 100 kumpaniya ang kanilang iimbitahan.