Inutos ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Lorenzo Eleazar sa Caloocan City police na tumulong sa contact tracing matapos ng nangyaring insidente ng hostage-taking sa lungsod na napaulat na isang super spreader event.
Ayon kay Eleazar, makikipagtulungan ang local police sa Caloocan City government, partikular ang Barangay 14, upang hanapin ang mga nagsiksikan at nakiusyoso sa hostage-taking na naganap nitong nakalipas na Sabado.
Kasabay nito, sinabi ni PNP chief na maglalabas sila ng memorandum para paalalahanan ang kanilang mga tauhan sa mga umiiral na protocol sa paghawak ng hostage-taking at iba pang kahalintulad na insidente, lalo na ang crowd control.
Binigyang diin niya na sa ilalim ng police operational procedure tuwing may hostage-taking ay kailangang tiyakin na malayo sa publiko ang insidente at pagbawalan ang mga hindi awtorisadong tao.
Layunin aniya nitong maiwasang humantong sa mas malalang sitwasyon ang insidente.
Matatandaang naging matagumpay ang pagsagip ng lokal na pulisya sa 15-anyos na hostage habang naaresto naman ang hostage-taker na ngayon ay nahaharap na sa kaso.