Kinumpirma ni Camarines Sur Rep. Luis Raymund Villafuerte na binawasan nga ang budget para sa mga infrastructure projects ng kanilang lalawigan sa ilalim ng ₱4.5 trillion 2021 national budget.
Ayon kay Villafuerte, aabot sa ₱386 million ang kinaltas na pondo sa tatlong flagship project sa Bicol sa ilalim ng inaprubahang bersyon ng budget ng Kamara.
Kabilang sa mga infrastructure projects na ito ang ₱182 million para sa CamSur Expressway, ₱124 million para sa CamSur-Albay Diversion Road, at ₱80 million para sa Pasacao-Balatan Tourism Highway.
Giit ng kongresista, ang lahat nang nasabing proyekto ay nasa ilalim ng Build, Build, Build program at aprubado pa ng National Economic and Development Authority (NEDA) board.
Dahil dito, kinukwestyon ni Villafuerte ang kasalukuyang liderato ng Kamara kung talaga bang suportado nito ang mga programa ng administrasyong Duterte.
Samantala, hinikayat naman ni Villafuerte ang Senado na suriing mabuti ang aktwal na alokasyon sa lahat ng congressional districts sa pagsalang sa bicameral conference committee kasunod na rin ng puna ni Senator Panfilo Lacson na nadagdagan ang pondo partikular sa distrito ng mga kaalyado ni House Speaker Lord Allan Velasco.