Camp lockdown, ipinatupad sa Camp Crame at iba’t ibang Police Regional Offices

Nagsagawa ng surprise camp lockdown sa Camp Crame matapos na ipag-utos ito ni Philippine National Police (PNP) Chief General Camilo Cascolan.

Ito ay para tingnan ang mga hindi rehistrado, narekober, carnapped o nakaw na sasakyan na ginagamit ng mga pulis gayundin ng mga ordinaryong motorista.

Si Highway Patrol Group National Capital Region (HPG-NCR) Chief Police Colonel Wilson Doromal ang nanguna sa pagsasagawa ng inspeksyon.


Sa suprise inspection, isa-isang sinala ang mga pumapasok ng Camp Crame at hindi pinapayagang lumabas ang mga walang maipapakitang lisensya na driver o certificate of registration.

Ito’y para matiyak na may official business sila kaya pumasok ng Crame.

Magtatagal ang camp lockdown sa Crame hanggang mamayang hapon.

Sinabi naman ni HPG Director B/Gen. Eliseo Cruz, na hindi lang sa Camp Crame nagsasagawa ng camp lockdown kundi maging sa ibang Police Regional Offices.

Ito aniya ay parte ng kanilang internal cleansing campaign.

Samantala, patuloy rin ang inventory ng PNP sa lahat ng mga recovered vehicles sa iba’t ibang mga operasyon.

Facebook Comments