Manila, Philippines – Matapos ang eleksyon 2019, unti-unti nang tinatanggal ang mga iniwang kalat ng mga kandidato kabilang na dito ang mga tarpaulin, posters at iba pa.
Sa katimugang bahagi ng Metro Manila na kinabibilangan ng Parañaque, Las Piñas, Muntinlupa, Taguig, Pateros at Makati nag-umpisa na ang kanilang mga Local Government Units (LGU) na maglinis ng kapaligiran.
Maging ang mga tauhan ng MMDA ay tumutulong na rin sa pagbabaklas.
Kasunod nito hinihimok ng isang environmental group ang Commission on Elections (Comelec) na gumawa ng patakaran na nag-uutos sa mga kandidato na gumamit ng mga campaign material na “recyclable” o kapaki-pakinabang para hindi agad maitapon bilang basura.
Sa kasalukuyan panuntunan pa lamang ng Comelec ang humihikayat sa mga kandidato na gumamit ng recyclable campaign materials pero hindi naman ito nasusunod, ayon na rin sa EcoWaste Coalition.
Ayon pa sa grupo ang mga campaign materials ay hindi natutunaw, nagtataglay din ng mga nakalalasong kemikal na maaaring humalo sa karagatan at pagkain.