Nakatakdang magpakita ng kanilang personal na expression ng pagprotesta sa sistema ng pamamalakad ng provincial local government ang mga incumbent mayors at iba pang municipal leaders sa probinsiya ng Camarines Sur.
Ang protesta ay isasagawa sa pamamagitan ng pagpapakalbo ngayong umaga sa Plaza Rizal, Naga City.
Ang nasabing pagpapakalbo ay pangungunahan mismo ni Pili Municipal Mayor Tom Bongalonta Jr kasama ang iba pang mayors ng mga bayan ng Libmanan, Pamplona at Garchotorena.
Inaasahang mag-follow suit din ang iba pang mga dating opisyal ng mga munisipyo na matagal ng ayaw sa pamamalakad ni Camarines Sur Governor Migz Villafuerte dahil umano sa ginagawa nitong panggigipit sa mga incumbent local leaders na hindi kaalyado at ayaw lumipat sa kanilang panig.
Magugunitang tatlong mga mayors ang pangunahing sinuspendi ng provincial government sa pamamagitan ng Sangguniang Panlalawigan dahil sa iba’t-ibang kadahilanan. Isa na rito si Garchitorena Mayor Nelson Buesa na nitong nakaraang linggo lamang ay nagpahayag sa RMN Naga DWNX na ginigipit siya ngayon dahil tumanggi siyang lumipat sa panig ng mga Villafuerte. Ayon pa sa kanya, kinausap umano siya ng mga kalyado ni Governor Migz Villafuerte na kapag lumipat siya ng loyalty ay matitigil na ang pagkakaso at pagsususpendi sa kaniya ng mga myembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Camarines Sur.
Ilang beses na ring sinuspendi si Mayor Bernard Brioso ng Libmanan gayundin din si Pili Mayor Tomas Bongalonta, Jr. Hindi rin ito lingid kay Mayor Ace Cruz ng bayan ng Pamplona.
Habang sinusulat ang balitang ito, nagbi-byahe na ang mga protesting municipal mayors patungo sa Plaza Rizal ng Naga City kasama ang kanilang mga supporters upang isakatuparan ang pangakong magpapakalbo sila ngayong araw bilang pagpapakita ng kanilang protesta sa hindi makatarungang pagtrato at walang humpay na panggigipit ng pamahalaang probinsiyal ng Camarines Sur.
Tunghayan sa RMN Naga DWNX 91.1 FM, at DWNX 1611 AM ang development ng kaganapang ito. Makukuha nyo rin ang DWNX sa pamamagitan ng FB Live sa RMN DWNX Livestream.
CamSur Mayors and Leaders, Magpapakalbo Ngayon Bilang Protesta Laban kay Gov Migz
Facebook Comments