Canada, nagpalabas ng travel advisory sa Mindanao

Manila, Philippines – Nagpalabas na rin ang gobyerno ng Canada ng travel advisory kasunod ng pagdedeklara ng martial law sa Mindanao.

Sa inilabas na kalatas, inabisuhan ng Global Affairs Canada o GAC ang kanilang mga kababayan na iwasan ang pagtungo sa mindanao region, maliban na lang sa Davao City dahil sa seryosong banta ng terror attack at kidnapping.

Nakasaad din sa advisory na limitado ang pagbibigay ng consular assistance ng Canada sa rehiyon.


Bukod dito, nagpaalala din ang GAC sa kanilang citizens na huwag nang magpunta sa Davao City kung hindi naman importante at umiwas din sa pagbiyahe sa Sulu archipelago at sa Southern Sulu sea, kabilang na ang Palawan, dahil naman sa banta ng pirata at kidnapping.

Nagpaala din ang Canada sa kanilang mga kababayan na bumibisita at naninirahan sa Mindanao na maging alerto at iwasan ang matataong lugar.

Una nang nagpalabas ng travel advisory ang United States at United Kingdom dahil sa bakbakan sa Marawi City at deklarasyon ng batas militar sa Mindanao.

Facebook Comments