CANCER SCREENING PROGRAM PINAIGTING SA SAN CARLOS CITY

Pinaigting ng San Carlos City Health Office, katuwang ang Department of Health, ang kampanya laban sa breast at cervical cancer sa pamamagitan ng malawakang screening program para sa mga kababaihang edad 30 hanggang 65.

Isinagawa ang aktibidad sa Arenas Resuello Complex kung saan daan-daang residente at Barangay Health Workers ang nakinabang sa libreng blood chemistry testing, pap smear, medical consultation, at vital signs screening.

Dala ang temang “Babae, Mahalaga Ka,” layon ng programa na itaas ang kamalayan ng kababaihan sa kahalagahan ng regular na pagpapasuri, lalo na’t tumataas ang kaso ng cancer sa bansa.

Binibigyang-diin din ng aktibidad ang pagtiyak na may madaling access ang mga residente sa preventive healthcare nang walang gastos.

Katuwang din ng lokal na pamahalaan ang mga nurse mula sa National Health Worker Support System ng DOH, na tumulong sa maayos at mabilis na pagproseso ng mga screening at konsultasyon.

Facebook Comments