Canteen sa Gamu, Isabela, Inararo ng Dump Truck, 2 Sugatan!

27

*Gamu, Isabela- *Sugatan ang dalawang indibidwal matapos araruhin ng isang Dump Truck ang isang canteen bandang 11:30 kaninang umaga sa Maharlika Highway ng Brgy. Upi, Gamu, Isabela.

Kinilala ang dalawang sugatan na sina Jonald Garcia Aquino, singkwenta anyos, residente ng San Antonio, City of Ilagan, Isabela at isang sundalo na si Technical Sergeant Arnel Ibarra Roque na residente ng Sto. Nino, Cagayan.

Kinilala naman ang suspek at nagmaneho ng Dump Truck na si Manuel Bugayong ng Cabannungan 1st, City of Ilagan, Isabela.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay Police Senior Inspector Richard Limbo, hepe ng PNP Gamu, galing umano sa bayan ng Naguilian ang minamanehong Dump Truck ng suspek na may kargang lupa at nang makarating sa pakurbang bahagi ng maharlika highway ng Junction Upi ay bigla umanong nagkaaberya ang footbrake ng dump truck kaya’t bumangga ito sa Canteen na nasa gilid ng highway na pagmamay-ari ni ginoong Rico Alvarro Gonzalez.

Dahil dito ay nagtamo ng sugat sina Jonald Garcia Aquino at TSGT Arnel Ibarra Roque na kasalukuyang nasa kantina.

Sa ngayon ay patuloy pa ang pagsisiyasat ng PNP Gamu hinggil sa naturang insidente.

Facebook Comments