Iginiit ngayon ng pamunuan ng Commission on Election o COMELEC Region 1 na ang mga nagaganap na mga caravan at rallies bilang suporta sa isang kandidato ay legal at hindi maituturing na paglabag ng sinumang kandidato sa gobyerno.
Sa isang panayam, sinabi ni Atty. Jugeeh Deinla, City Election Officer IV ng San Fernando City, La Union na kumawatan sa COMELEC Region 1 na ang mga nagaganap na caravan at rallies ng iba’t ibang political supporters ay kabilang sa premature campaigning ngunit hindi na ito sakop at wala ng batas ang nagreregula dito para panagutin ang isang indibidwal na maagang nangangampanya.
Idinagdag nito na ang mga tumatakbo sa isang posisyon sa gobyerno ay maituturing palang na kandidato pagdating ng campaign period at dito pa lamang papasok ang mga maaaring violations o paglabag ng mga ito.
Bagama’t kaliwa’t kanan ang caravan, ang mga kandidato o mga taga suporta na nagsasagawa ng ganitong gawain ay hindi pa maaaring sakop ng election offense kung pagbabasehan umano ang bagong ruling ng batas ukol dito.
Sa huli sinabi ni Deinla na wala pang maituturing na premature campaigning hanggang hindi maover-turn ang Penera Ruling kaya’t walang pwedeng isampang reklamo laban sa mga ito.###