Tuluyan nang naisabatas ang Caregiver Welfare Act, na naglalatag ng mga patakaran para protektahan ang karapatan at kapakanan ng mga domestic caregivers.
Ito’y matapos na pirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act No. 11965, na kinikilala ang pangangailangan na ipagtanggol ang mga karapatan ng mga caregivers at sundin ang isang patakaran na naglalayong protektahan sila laban sa pang-aabuso, panggigipit, karahasan, at economic exploitation.
Sakop ng batas ang mga caregivers na may trabaho sa loob ng bansa sa pribadong tahanan, nursing o care facilities, at residential areas.
Batay sa batas, ang oras ng trabaho ng mga caregivers ay ibabatay sa kanilang kontrata kaya’t may karapatan silang magkaroon ng overtime pay, 13th month pay, at leave credits.
Bukod dito, sila rin ay sakop ng iba pang mga benepisyo tulad ng kontribusyon sa SSS, PhilHealth, PAG-IBIG, at lahat ng benepisyo na nakabatay sa probisyon ng batas.
Posibleng ring tapusin ng caregiver ang kanyang kontrata sa kanilang amo anumang oras bago ito mag-expire, kung ito ay nakakaranas ng verbal o emosyonal na pang-aabuso, at hindi makatarungan na pagtrato at pisikal na pang-aabuso.