Nanatili pa rin sa quarantine area sa Manila Bay ang cargo vessel na MV Hilma Bulker, ang barko na nanggaling sa Indonesia na may sakay na 18 Indonesian na infected ng Indian variant ng COVID-19 disease na dumaong sa Port of Manila, alas-9:00 ng umaga noong May 26.
Ayon sa Maritime Industry Authority o MARINA, katuwang nila ang Philippine Ports Authority (PPA), Philippine Coast Guard (PCG) – Office for Transportation Security (OTS) at mga miyembro nito sa mahigpit na pagpapatupad ng seguridad o health protocol mula nang dumaong ang “MV Hilma Bulker” sa Port of Manila.
Sa 20 bilang ng tripulante, 14 ay nagpositibo sa Indian variant ng COVID-19 habang pito sa kanila ay gumaling na at mayroon ng clearance mula sa Indonesian authorities, kung saan anim ang natitira sa ospital na naghihintay pa ng clearance at isa ang namatay na sa Indonesia.
Ang anim naman na nagnegatibo sa Indonesia ay nakarating na sa Clark noong May 18, 2021 at kinukumpleto na lamang ang mandatory quarantine at testing procedures para sa mga katulad nila na Returning Overseas Filipinos (ROFs).
Nabatid na ang naturang vessel ay may travel history sa Cochin at Kandla sa India mula March 25 hanggang April 17, 2021.
Lahat ng bababang tripulante ng “MV Hilma Bulker” ay tinuturing na nalantad sa virus at kahit na negatibo sa COVID-19, sila ay mananatili pa rin sa quarantine facility sa loob ng sampung araw.
Siansabing nagtungo ang barko sa Pilipinas para mapalitan ng mga Filipinong tripulante at ayon sa MARINA, sa sandaling matapos na ang disinfection ay papayagan ng makasakay ang panibagong batch ng mga tripulante.