Pinabubuwag na ni House Committee on Public Accounts Chairman Mike Defensor ang case rate policy ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
Sa imbestigasyon ng Committee on Public Accounts, ipinunto ng Chairman na si Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor na 7.5% ang fraud index o P2.25 billion na ang potensyal na mawawala sa PhilHealth ngayong may COVID-19 dahil sa case rates policy.
Posible rin aniyang dumoble ang pwedeng mawala sa PhilHealth kung mananatili ang 7.5% fraud index ng ahensya sa susunod na taon.
Giit pa ni Defensor, ang case rates policy ng PhilHealth ang naging ugat ng sabwatan ng ospital at mafia ng ahensya mula pa noong 2013.
Dahil dito, hiniling ni Defensor na alisin na ang sistemang ito sa PhilHealth dahil kung hindi ito tatanggalin o babaguhin ay magpapatuloy ang korapsyon ng mga sindikato sa ahensya.
Katwiran naman ni PhilHealth President Ricardo Morales, ang logic ng case rate package ay ipinapantay ang singil sa mga mababa at lumalagpas ang gastos kung saan nababawi ang sobra sa package ng mga pasyenteng mas mababa ang binayaran.
Pero iginiit ni Defensor na kapag sumobra naman ang pasyente sa itinakdang case rate, ang pasyente rin mismo ang nagbabayad sa sobra sa kaniyang hospital bills.
Sinabi pa ni Morales na ang sobra sa package na di nagamit ng pasyente ay napupunta umano sa ospital at na-o-offset para sa kanilang ‘no-balance billing policy’ kung saan wala nang binabayaran ang mga indigent patients kahit sumobra sa kanilang package rate.