CASE SOLVED | Kaso ng pagpatay kay Mayor Ferdinand Bote case solved na – PNP

Manila, Philippines – Ikinokonsidera ng Philippine National Police (PNP) na solved o naresolba na ang kaso sa pagpatay kay General Tinio Nueva Ecija Mayor Ferdinand Bote.

Ayon kay PNP CIDG Chief Police Director Roel Obusan kapag nai-file na ang kaso laban sa mga naarestong suspek at nakulong ang mga ito ay naikokonsidera na itong case solved.

Pero nilinaw ni Obusan na hindi nila isasara ang kaso ng pagpatay kay Mayor Bote dahil hindi titigil ang binuong Special Investigation Task Group Bote hanggat hindi naaresto ang mga nakakalayang suspek kabilang na natukoy na mastermind na si Christian Saquilabon.


Sinabi naman ni PNP Chief Police Director Oscar Albayalde na ngayong araw o bukas ay maisasampa na ang kasong murder at paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Act laban sa mga suspek.

Tinukoy rin ni Albayalde na dahil sa pakikipagtulungan ng komunidad kaya natukoy ang mga suspek sa pagpatay kay Mayor Bote.

Matatandaang si Mayor Bote ay pinagbabaril noong July 3 sa Cabanatuan City habang nakasakay sa kanyang sasakyan.

Away sa negosyo ang matimbang na motibong nakita ng PNP sa pagpatay sa alkalde.

Facebook Comments