Hanggang Mayo na lang ang ipapatupad na Cash for Work Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga naapektuhan ng oil spill matapos lumubog ang MT Princess Empress Sa Naujan, Oriental Mindoro.
Ito ang inihayag ni DSWD Assistant Bureau Director Miramel Laxa sa Laging Handa public briefing.
Aniya, pinalawig ito hanggang Mayo para patuloy na makapagbigay ng kabuhayan sa mga apektadong populasyon lalo na ang mga mangingisdang hindi pa rin pinapayagang pumalaot para makapangisda.
Paliwanag ni Laxa, maaring sumali sa Cash for Work Program ang isang representante ng bawat pamilya para makatulong sa pang araw-araw na gastusin.
Nakadepende naman daw sa mimimum wage ng bawat lugar na apektado ng oil spill ang sweldo nang mga nakaka-avail nito.
Sa ngayon, batay sa ulat ng DSWD, umabot na sa mahigit 32,000 pamilya o mahigit 151,000 indibidwal ang apektado ng oil spill.