Inalis na ang Cashier’s Office sa Conrado F. Estrella Regional and Medical Trauma Center simula ngayong araw bilang patunay sa pagpapatupad ng “Zero Balance Billing” o “No Balance Billing” para sa mga pasyente.
Sa naturang hakbang, kinompirma ng pamunuan ng ospital na kakayaning sagutin ang gamot na kailangan ng parehong in-patients at out-patients maging ang mga bayarin sa ospital.
Ayon sa kongresista ng ika-anim na distrito ng Pangasinan, lahat ng kwarto sa CFERM ay gagawin nang pampubliko bilang patotoo sa taguri na isang pampublikong ospital.
Ipinabatid din ang nasa 102 medical practitioners na kulang sa ospital mula sa 292 na kabilang sa staffing pattern, 190 lamang umano ang empleyado sa CFERM, kabilang din ang ilan pang kinakailangang makinarya at bakuna para sa ikabubuti ng operasyon ng ospital.
Kaugnay nito, tiniyak ng Kagawaran ng Kalusugan ang pag-aaral sa mga naturang hakbang at pakiipag-ugnayan sa Department of Budget and Management para sa kinakailangang pondo.
Matatandaan na kabilang ang Conrado F. Estrella Regional and Medical Trauma Center at Region 1 Medical Center sa mga DOH hospital na nagpapatupad ng Zero Balance Billing maging ang 14 na government-run district hospitals sa Pangasinan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









