
Pormal na inilunsad ng Pamahalaang Bayan ng Calasiao, katuwang ang Department of Trade and Industry (DTI) Pangasinan at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), ang Paleng-QR Ph Plus Program na naglalayong isulong ang ligtas at modernong sistema ng pagbabayad sa mga pampublikong pamilihan, transportasyon, at iba pang lokal na establisyemento.
Sa ilalim ng programa, hinihikayat ang paggamit ng digital payment systems upang matulungan ang mga maliliit na negosyante tulad ng mga tindero sa palengke at mga tsuper ng traysikel na makasabay sa makabagong teknolohiya.
Layunin din nitong mapalawak ang financial inclusion at palakasin ang katatagan ng lokal na ekonomiya, lalo na sa panahon ng krisis.
Inaasahan namang magiging mas episyente ang mga transaksyon at mababawasan ang panganib ng pekeng pera at pagkalat ng sakit sa pamamagitan ng cashless na sistema.









