“Completely isolated”
Ito ang inihayag ng Malacañang para sa isla ng Catanduanes na naputulan ng supply ng kuryente, tubig at komunikasyon matapos tamaan ng Bagyong Rolly.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, kinakailangang ihatid ang tulong patungo sa isla sa pamamagitan eroplano.
Nagkakaroon lamang komunikasyon gamit ang satellite telephones mula sa Office of Civil Defense.
Hindi rin gumagana ang water work system sa probinsya.
Nangako naman si National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Ricardo Jalad na magde-deploy ng C1-30 plane patungong probinsya ngayong araw.
Samantala sa isang panayam, sinabi ni Catanduanes Governor Joseph Cua, 90% ng poste ng kuryente ang pinabagsak ng bagyo.
Nasa 10,000 bahay ang napinsala.
Limitado na lamang din ang kanilang pondo bunga ng COVID-19 pandemic.
Umaapela sila sa publiko ng donasyon ng pagkain, hygiene kits at iba pang pangangailangan.