Nanawagan ang lokal na pamahalaan ng Catanduanes sa national government na mapabilis ang pagbabalik ng kuryente at operasyon ng mga telephone companies sa kanilang lalawigan.
Ito ang pahayag ni Catanduanes Governor Joseph Cua matapos makontak sa unang pagkakataon sa pamamagitan ng satellite communication system na VSAT (Very Small Aperture Terminal) na set-up ng Office of the Civil Defense (OCD) sa Region 5 kasunod ng pananalasa ng bagyo.
Ayon kay Gov. Cua, isa sa nagiging hadlang para magkaroon sila ng pakikipag-ugnayan sa national government at sa mga residente ang kawalan ng komunikasyon.
Aniya, 80% sa mga poste ng kuryente sa Catanduanes ang natumba kaya’t kailangan din nila ng mga heavy equipment ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa clearing operations sa halos lahat ng kanilang mga kalsadang hindi pa madaanan.
Sinabi naman ni Cua na aabot sa 10,000 hanggang 15,000 pamilya ang naapektuhan ng bagyo habang nasa 65% ng mga light material na kabahayan ang nasira habang 20% na malalaki at kongretong tahanan ang nawasak.
Wala rin aniya silang tubig sa ngayon at tanging tubig mula sa deep well o poso ang pinagkukuhanan nila ng tubig.
Nasa P400 milyon naman aniya ang pinsala pagdating sa Abaca na pangunahing produkto ng Catanduanes habang P200 milyon sa iba pang pananim.