Cauayan City – Handa na ang Schools Division Office ng Cauayan City para sa Athletic Association Meet na magsisimula ngayong araw, January 10, hanggang January 12, 2025, sa Benjamin G. Dy Memorial Sports Complex.
Sa naging panayam ng IFM News Team kay Sports Director Norman Tolentino, unang araw pa lamang ng Oktubre ay handa na ang kanilang organisasyon ngunit naantala ito dahil sa mga nagdaang bagyo.
Isa rin sa kanilang mga pagsubok ay ang kakulangan sa mga kagamitan tulad ng volleyball net, shuttlecock, at mga bola.
Lalahukan naman ng mahigit 100 kalahok mula sa pampubliko at pribadong paaralan mula sa pitong distrito ng lungsod.
Pinaalalahanan naman ni Tolentino ang mga atleta, coaches, at tournament managers na isabuhay ang tunay na diwa ng sportsmanship at mag-ingat sa mga laro upang maiwasan ang anumang injury.
Samantala, layunin ng naturang aktibidad na palakasin ang camaraderie at teamwork sa pagitan ng mga kalahok habang itinataguyod ang kalusugan at kahusayan sa larangan ng sports.