CAUAYAN CITY COOPERATIVE DEVELOPMENT COUNCIL, TUTULONG SA MGA HINAING NG MGA MAGSASAKA

Cauayan City, Isabela- Tutulungan ng Cauayan City Cooperative Development Council ang mga magsasaka dito sa Cauayan City kaugnay sa kanilang mga problema at hinaing sa pagsasaka.

Ayon kay Ginang Sylvia Domingo, ang City Cooperative Officer, nagpulong kahapon ang lahat ng mga lider ng bawat Kooperatiba sa Lungsod na kung saan ay kabilang ang mga nabuong organisasyon ng mga magsasaka upang maiparating ng mga ito ang kanilang mga problema at malaman din kung paano ito matutugunan.

Inihayag ni Ginang Domingo na pangunahin sa mga problemang inilapit ng mga magsasaka sa Lungsod ang mataas na presyo ng kanilang mga inputs o gastusin sa pagsasaka at ang mababang presyo ng kanilang mga naaaning produkto.

Kaugnay nito ay naglatag naman ng mga programa ng Kagawaran ng Agrikultura si Ginoong Ricardo Alonzo, ang City Agriculture Officer ng Cauayan na maaaring mapakinabangan at maibigay na tulong para sa mga magsasaka.

Ayon pa kay Ginang Domingo, sinabi nito na sa pamamagitan ng kanilang isinagawang pagpupulong, ay naipahayag ng bawat kooperatiba sa Lungsod ang kanilang mga problema lalo na ngayong panahon ng pandemya na kung saan ay ilalapit naman ito ng City Cooperative Office sa mga ahensya na dapat tumutok at tumulong sa mga ito.

Samantala, hinihikayat ni Ginang Domingo ang sinumang gustong sumali o bumuo ng Kooperatiba na lumapit lamang sa kanilang tanggapan para maasistehan at matulungang mapabilang sa mga Kooperatiba sa Lungsod.

Facebook Comments