*Cauayan City, Isabela-* Patuloy ang ginagawang paghahanda ng City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO) ng Lungsod ng Cauayan sa anumang oras na pananalasa ng bagyong Ompong dito sa ating lugar.
Una ng nagsagawa ng pagpupulong ang iba’t-ibang kawani ng local na pamahalaan ng Lungsod ng Cauayan sa pangunguna ng CDRRMO at ng alkalde ng syudad ng Cauayan hinggil sa Pre-Disaster Risk Assement para sa bagyong Ompong.
Sa naging panayam ng RMN Cauayan kay ginoong Ronald Viloria ng CDRRMO, na kaya nilang gampanan ang kanilang tungkulin dahil lagi naman umano silang naghahanda sa tuwing may kalamidad.
Inatasan na rin ng CDRRMO ngayong araw ang mga responders sa kanilang mga assignment area habang nakahanda na rin ang kanilang sasakyan para sa pagresponde, mga kagamitan at relief goods na ipapamigay sa mga evacuation centers.
Samantala, nakatakdang pulungin ng CDRRMO ang lahat ng mga brgy Officials upang muling paalalahanan na manatiling humanda maging ang mga responders ng Incident Manage Team sa anumang oras na pananalasa ng bagyo.
Sa ngayon ay nasa white alert status na ang tanggapan ng CDRRMO at pwede pa namang daanan ang mga tulay dito sa Lungsod ng Cauayan.