*Cauayan City, Isabela- *Kinumpirma ng Cauayan City Health Office na mayroon ng isa ang naitalang biktima ng measles o tigdas at umaabot naman sa 41 katao ang hinihinalang tinamaan rin ng naturang sakit.
Ito ang ibinahaging impormasyon ng City Health Office sa ginagawang flag raising ceremony ng pamahalang Lungsod ng Cauayan kaninang umaga.
Ipinaliwanag rin ng tanggapan na halos walang pinagkaiba ang tigdas sa kumakalat rin na sakit na Japanese Encephalitis sa bansa.
Sa darating na Marso, nakatakdang magsagawa ng door-to-door ang City Health Office sa mga residente upang hikayatin ang mga magulang na ipabakuna ang kanilang mga anak.
Kaugnay nito, kinakailangan na ng naturang tanggapan na bakunahan ang mga bata na nasa anim hanggang 59 na buwan upang makaiwas sa kumakalat at nakamamatay na uri ng sakit.
Patuloy pa rin ang kanilang paghikayat sa mga magulang na huwag matakot ipabakuna ang mga anak dahil matagal na umano itong programa ng DOH.