Cauayan City, Isabela – Patuloy na hinihikayat ng Cauayan City Health Office (CHO) ang mga magulang na ipabakuna ang mga anak hinggil sa measles outbreak sa buong bansa.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay Dra. Mary Christine Furugganan, ng Cauayan CHO sinabi nito na kailangang mabakunahan ang mga sanggol na nasa anim na buwan hanggang limampu’t siyam na buwan sa Outbreak Response Immunization.
Aniya, programa ito ng kagawaran ng kalusugan ang mandatory vaccination sa mga bata upang masugpo ang lumalala at nakahahawang sakit.
Matatandaan na nakapagtala ang rehiyon dos ng isang biktima ng naturang sakit habang 41 iba pa ang pinaghihinalaan na inaasahan pang tataas ang bilang.
Ayon pa sa doktora, ang tigdas ay nakahahawang sakit na dala ng measles virus at ilan sa mga sintomas nito ay lagnat, ubo at sipon, namumulang mga mata, at namumulang mga butlig sa katawan ayon na rin sa DOH.
Kaugnay nito, nakikiusap naman ang naturang tanggapan sa mga magulang na huwag matakot na pabakunahan ang kanilang mga anak upang maging ligtas ang kanilang kalusugan.