Cauayan City, Nakapagtala ng Dalawang Biktima ng Paputok

Cauayan City, Isabela- Dalawang biktima ng paputok ang naitala ng Lungsod ng Cauayan mula sa kabuuang siyam (9) na naiulat sa pagsalubong ng bagong taon sa Isabela.

Batay sa impormasyon mula sa PNP Cauayan City, pinakabagong naiulat kahapon, Enero 2, 2022 sa mga naputukan sa Lalawigan ang isang 11-taong gulang na lalaki mula sa Brgy. Marabulig 1, Cauayan City na naputukan ng bahagya sa kanang bahagi ng kanyang palad matapos pulutin at muling sindihan ang maliit na piraso ng Judas belt.

Nagtamo ng minor abrasion ang biktima at dinala sa Cauayan District hospital para sa cleaning treatment at kalauna’y nakauwi din sa tahanan.

Habang ang isa namang naitalang firecracker-related injuries sa Lungsod noong Enero 1, 2022 ay isang 24-anyos na lalaki na residente ng Brgy. Nagrumbuan, Cauayan City na naputukan naman ng Kwitis sa daliri.

Minor injury lamang din ang natamo ng naturang lalaki kung kaya’t agad ding nakauwi sa kanilang tahanan.

Samantala, inihayag naman ng BFP Cauayan City na mapayapa at ligtas ang kabuuang pagsalubong ng bagong taon sa Lungsod dahil walang naiulat na insidente ng sunog ganun din sa ligaw na bala.

Facebook Comments