*Cauayan City, Isabela- *Nagpaalala ang pamunuan ng Cauayan City National High School (CCNHS) sa lahat ng mag-aaral na umiwas sa posibleng pagmulan ng away at pambubully sa kapwa.
Matatandaang nag-viral sa social media ang rambulan ng ilang mga dalagitang estudyante sa labas ng nasabing paaralan noong Martes ng hapon.
Sa eksklusibong panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Primitivo Gorospe, School Principal ng CCNHS, nagsimula ang away ng dalawang grade 9 students dahil ang biktima umano ay nagpapasaring ng masasakit na salita sa social media sa mismong nanakit sa kanya.
Dahil naman sa nangyaring insidente ay pinatawan na ng 3 araw na suspensyon ang mag-aaral na nanakit dahil batay sa DepEd Order No.40 tatlong araw lamang ang pwedeng ipataw ng paaralan.
Kanyang ipinaliwanag na wala sa mandato ng paaralan ang magbigay ng higit pa sa 3 araw na suspensyon dahil ang School Division Office na ang magtatakda dito.
Hiniling naman ni Principal Gorospe sa mga guro at mag-aaral na sana’y mapanatili pa rin ang maayos na pakikitungo sa kapwa.