CAUAYAN CITY, NEGATIBO SA PEKENG ABONO

Cauayan City, Isabela- Wala pang namomonitor dito sa Lungsod ng Cauayan ang tanggapan ng City Agriculture sa pamumuno ni Engr. Ricardo Alonzo kaugnay sa mga kumakalat na ibinebentang pekeng abono.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay City Agriculturist Engr. Ricardo Alonzo, mula nang pumutok ang isyu na mayroong mga nagbebenta ng pekeng abono sa Lambak ng Cagayan ay wala pa naman aniya silang natatanggap na reklamo mula sa mga magsasaka dito sa Siyudad ng Cauayan.

Kaugnay nito ay nag-ikot pa rin ang monitoring team ng City Agriculture Office sa mga nagtitinda ng Farm Supplies sa Lungsod kung saan lehitimo at wala namang nakitang pekeng fertilizer products.

Gayunman, binabalaan pa rin ni Alonzo ang sinuman na nagbabalak gumawa ng iligal na transaksyon na huwag nang ituloy kundi magbanat na lamang ng buto dahil kawawa aniya ang ating mga magsasaka kung sila ay mabibiktima.

Pinapayuhan din ang mga magsasaka na agad isumbong sa kanilang tanggapan o sa mga kinauukulan kung sakaling may mabiling peke na agricultural products para agad din itong maaksyunan.

Facebook Comments