Ito ang kinumpirma ng tagapagsalita ng Cauayan City Police Station na si PLT Scarlette Topinio na kung saan ay sinaksihan at pinangunahan ng ilang matataas na opisyal ng Isabela Police Provincial Office, PDEA Isabela, at LNMB President ng Cauayan ang Ceremonial Unveiling ng pagiging Drug Free Work Place ng PNP Cauayan.
Ibig sabihin nito ay wala ni isa sa mga tauhan ng PNP Cauayan City ang sangkot sa ipinagbabawal na gamot.
Pero Bago maideklara bilang drug free work place ang naturang himpilan ay dumaan muna ito sa maraming proseso na isinagawa ng PDEA Region 2 at Isabela gaya ng pagsasagawa ng lecture sa mga tauhan ng PNP at surprised drug test na kung saan lahat ng 138 na mga tauhan ng PNP Cauayan kabilang na ang anim na Non-Uniformed Personnel o NUP ay nag-negatibo sa iligal na droga.
Ipinaliwanag din ni Topinio na ang purpose kung bakit kailangang maideklara na drug free ang isang himpilan ay upang masiguro o matiyak na lahat ng bumubuo sa Police STation mula sa Police Commissioned Officer, Uniformed at Non-Uniformed Personnel ay hindi gumagamit o nagtutulak ng iligal na droga.
Ikinokonsidera naman ng kapulisan na isang malaking hamon ang pagiging drug free workplace ng PNP Cauayan dahil kailangan nila itong panatilihin at panindigan sa taong bayan.
Magsisilbi ring modelo sa mga Cauayenyo ang mga kapulisan ng Cauayan na kung saan ay pangungunahan mismo ng mga pulis ang pag-iwas sa ipinagbabawal na gamot.
Muli namang hiniling sa publiko ng pamunuan ng PNP Cauayan na makipagtulungan sa kapulisan, magsumbong kung may nalalaman na sangkot o may koneksyon sa ipinagbabawal na gamot para mabigyan ito ng aksyon ng pulisya.
Samantala, tuloy tuloy pa rin naman ang isinasagawang anti illegal drug campaign ng kapulisan sa Lungsod upang tuluyan ng maideklara na Drug Cleared City ang Cauayan na siya namang inaasahan at nais na makamit na Syudad ng Cauayan.