CAUGHT ON CAM: Lolang natutulog sa ilalim ng footbridge, ninakawan ng gamit

COURTESY BARANGAY 138 CALOOCAN CITY

Sapul sa CCTV ang pagnanakaw ng isang lalaki sa matandang street dweller na natutulog sa ilalim ng footbridge sa Barangay 138, Caloocan City.

Sa video, makikita ang suspek na kinilalang si Martin Caliope na umaaligid sa puwesto ng biktimang si Milagros Bautista, 68 taong gulang, pasado alas-4 ng umaga noong Martes.

Maya-maya pa, nilapitan niya ang senior citizen at dahan-dahang hiniwa ang bag hanggang sa makuha ang wallet ng biktima. Dali-daling umalis sa lugar ang salarin nang biglang makaramdam at magising si Bautista.


Tila hindi pa nakuntento si Caliope sa ginawang krimen dahil kinabukasan ay binalikan niya ang lola upang tangayin ang natitirang gamit nito.

Saktong nakaduty naman ang kawaning si Noah Cayat at napansin sa CCTV ang insidente  dahilan para agad silang makaresponde sa lugar at tuluyang madampot si Caliope.

Paliwanag naman ng salarin, wala raw siyang hanapbuhay ngayon dulot ng lockdown kaya naisipan niyang magnakaw.

Nai-turnover na ng barangay ang suspek sa pulisya.

Facebook Comments