
Naghain ng kontra salaysay si suspended Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga sa reklamong kinakaharap nito na inciting to sedition at inciting to rebellion.
Dumating si Barzaga sa tanggapan ng Department of Justice (DOJ) bago mag-alas 3:00 ng hapon ngayong Huwebes.
Ang naturang reklamo ay inihain ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) dahil sa mga post nito online.
Partikular na tinukoy rito ng suspendidong mambabatas ang panawagan na secession o paghiwalay ng Mindanao sa Pilipinas.
Bukod dito, pinagbatayan din ng PNP-CIDG ang paghikayat nito na magprotesta nang walang permit sa Forbes Park sa Makati City noong Oktubre ng nakaraang taon.
Iginiit naman ni Barzaga na bahagi lamang ito ng freedom of speech at naging mapayapa rin naman ang isinagawang protesta.
Samantala, tiwala naman ang kongresista na mareresolba ang kinakaharap na ethics complaint sa Kamara bago ang pagbabalik sa Pebrero.
Ngunit depende pa raw kung mananahimik na siya sa pagsasalita lalo’t maraming kinakaharap ngayon ang Mababang Kapulungan gaya ng korapsyon at impeachment cases.










