Pwede nang madaanan ng mga motorista ang CAVITEX C5 Link Flyover Extension.
Ayon kay Cavitex Infrastructure Corporation (CIC), ang subsidiary of Metro pacific Tollways Corp., alas-6:00 ngayong Linggo nang buksan ang 1.6-kilometer flyover extension.
Dahil dito, inaasahang mas magiging maginhawa ang paglalakbay ng mga motorista papunta at pabalik ng Taguig, Pasay at Parañaque.
Oras na ilunsad, ang Merville entry at exit ramps ay ilalagay sa harapan ng Shell C5 Southlink.
Kasabay nito, bubuksan din sa publiko ang service tunnel road para maisayos ang daloy ng mga sasakyan papunta sa Merville, Pasay at Parañaque mula sa West Service Road.
Samantala, ayon pa sa CIC, 30% na ring tapos ang konstruksyon ng CAVITEX C5 Link Segment 2 o ang CAVITEX papuntang Sucat Interchange.
Ang CAVITEX C5 Link ay may habang 7.7 kilometers na idurugtong sa CAVITEX sa 2023.
Layon nito na gawing mas mabilis ang biyahe mula CAVITEX papuntang Makati, Taguig at Pasay at pabalik na aabutin na lamang ng 30 to 45 minutes.
Habang ang flyover ay inaasahan ding makababawas ng dami ng sasakyan sa mga pangunahing kalsada sa EDSA at MIA Road kung saan 50,000 motorista ang makikinabang kada araw.