Cayetano at mga kaalyado nito, mamamahagi ng 10K ayuda sa Labor Day

Halos 200 manggagawa na apektado ng pandemya mula sa 13 lugar ang makakatanggap ng P10,000 ayuda mula kay dating Speaker Alan Peter Cayetano at kanyang mga kaalyado sa Kongreso sa May 1.

Ito ay ilang linggo matapos ihain ni Cayetano at ilan pang kongresista ang “Bangon Pamilyang Pilipino Act” o mas kilala sa tawag na 10K Ayuda Bill na layong bigyan ng panibagong ayuda ang mga pamilyang Pilipino.

Kabilang sa mga makakatanggap ng ayuda ay mula sa Batangas, Bulacan, Cavite, Camarines Sur, Caloocan City, Marikina City, Quezon City, Taguig City, Mandaluyong City, Pateros, Laguna, Rizal at Ormoc City.


Ang inisyatibong ito ay inorganisa nina Cayetano, kanyang maybahay na si Taguig City 2nd District Rep. Ma. Laarni Cayetano at ilan pang kongresista na sina Camarines Sur 2nd District Rep. Luis Raymund “LRay” Villafuerte Jr., Batangas 2nd District Rep. Raneo Abu, Laguna 1st District Rep. Dan Fernandez, AnaKalusugan Party-List Representative Mike Defensor at Bulacan 1st District Rep. Antonio Sy-Alvarado.

Umaasa ang kanilang grupo na kung matatalakay agad at mapapasa ang kanilang bill, milyon-milyong Pilipino ang mas makikinabang habang hindi pa nakukumpleto ang pagbabakuna sa Pilipinas.

Facebook Comments