Muling iginigiit ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na hindi nila inirerekomenda ang paggamit ng “carosas” o “andas” sakaling payagan ang mga relihiyosong prusisyon.
Ayon sa CBCP, hindi masisiguro na mapapanatili ang social distancing kung gagamit ng andas sa prusisyon bilang parte ng aktibidad sa nalalapit na Mahal na Araw.
Payo ng CBCP, ang mga imahe ay ilagay na lamang sa motor vehicle sa halip na dalhin ng mga tao.
Sakaling payagan ang mga relihiyosong prusisyon, sinabi ng CBCP na kailangang magkaroon ng koordinasyon sa lokal na pamahalaan at mga opisyal ng barangay.
Ang iskedyul naman ng online transmission ng mga pagdiriwang na ito ay dapat na ipaalam sa publiko at kailangang maging “live telematic broadcasting” at hindi recorded.
Dagdag pa ng CBCP, ang tradisyunal na “Pabasa” na ioorganisa ay nararapat rin na makakasunod sa inilatag na guidelines sa health protocols.
Matatandaan na sa loob ng dalawang taon ay pahihintulutan na rin ng CBCP ang mananampalataya na tumanggap ng abo sa noo bilang pagsisimula ng Kuwaresma sa Ash Wednesday sa darating na March 2 sa gitna pa rin ng pandemya ng COVID-19.