Hinimok ng pamunuan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang taongbayan na huwag matakot bagkus ay lumutang upang i-report sa kanila ang mga pang-aabusong sekswal ng ilang pari at ng mga taong simbahan laban sa mga kabataan.
Ayon kay Davao Archbishop Romulo Valles, dapat maging matapang ang publiko na ilantad ang buong katotohanan kung sila man ay mga biktima ng kahit na anong uri ng pang-aabuso ng mga pari at ng taong simbahan.
Paliwanag ni Archbishop Valles, gaya aniya ng Pope Francis labis din na ikinahiya ng kalipunan ng mga obispo sa bansa ang pang-aabusong kinasangkutan ng ilang pari at taong simbahan kasabay ng paghingi ng taos-pusong paumanhin sa pagkakamali ng mga lingkod ng simbahan.
Dagdag pa ng Arsobispo, patuloy aniyang gumagawa ng hakbang ang Simbahang Katolika upang matugunan ang mga suliranin ng pang-aabuso at tiniyak na kaisa ito sa paglaban ng pang-aabuso sa lipunan at umaasang mapanagot sa batas ang mga indibidwal na sangkot sa mga sexual harassment.