
“Alalahain, magsisi at panibaguhin ang diwa ng People Power.”
Ito ang panawagan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), sa mga Pilipino sa paggunita ng ika-40 anibersaryo ng EDSA Revolution.
Sa liham pastoral, hinikayat ng Simbahang Katolika ang publiko na balikan ang himala ng mapayapang pagkakaisa noong 1986, na nagpatalsik sa diktadura sa pamamagitan ng pananampalataya, tapang, at sama-samang pagkilos.
Ayon kay CBCP President at Lipa Archbishop Gilbert Garcera, ang People Power ay patunay ng biyaya ng Diyos sa sambayanang Pilipino na nanindigan para sa katotohanan, katarungan, at kalayaan.
Hinimok din nila ang taumbayan na magsisi sa mga naging pagkukulang gaya ng paglaganap ng korapsyon, kahirapan, at kawalan ng pananagutan at pagtugon nang may tapang at pagmamahal, sa pamamagitan ng paghahanap ng katotohanan, pagsuporta sa tapat na lider, at aktibong pakikilahok sa pamamahala.
Ipinanawagan din ng Simbahang Katolika ang pagsusulong ng Anti-Dynasty Bill, pagbabantay sa paggamit ng pondo ng bayan, at maagang voters’ education para sa halalan sa 2028.
Ayon sa CBCP, ang tunay na pagbabago ay magsisimula sa puso ng bawat Pilipino gaya ng tahanan, paaralan, simbahan, at komunidad.
Sa huli, hinikayat ng CBCP ang lahat na samahan ng panalangin ang pagkilos para sa bayan, at patuloy na umasa sa gabay ng Diyos tungo sa isang mas makatarungan at mapayapang lipunan.










