
“Walang natatago na hindi malalantad, at walang lihim na hindi mabubunyag.”
Bahagi ito ng opisyal na pahayag ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines kaugnay sa malawakang katiwalian sa mga flood control projects ng pamahalaan.
Ayon sa CBCP, nagmamasid ang sambayanang Pilipino kaya’t anumang tangkang palitan ang liderato sa Senado o ilihis ang direksyon ng imbestigasyon ay magpapalakas lamang ng hinalang mayroong mga pinagtatakpan.
Kaugnay nito, nanawagan ang CBCP sa lahat ng opisyal ng pamahalaan na igalang at suportahan ang isinasagawang imbestigasyon ng Independent Commission on Infrastructure o ICI.
Nilikha anila ito upang maibalik ang tiwala ng publiko, kaya dapat itong makapagsagawa ng malaya, buo, at hindi pinapakialaman ng anumang sangay ng gobyerno.
Binigyang-diin din ng CBCP na dapat magkaroon ang ICI ng transparency o pagiging bukas sa lahat ng proseso at resulta ng imbestigasyon,
Access sa lahat ng dokumento at testigo, kahit may mataas na posisyon,
Paglalantad ng mga budget insertions at dobleng proyekto,
At proteksyon para sa mga whistleblower at technical staff na nagsasabi ng totoo.
Sinabi pa ng mga Obispo na tutol sila sa anumang pagtatangka na pigilan o manipulahin ang imbestigasyon sa pamamagitan ng pulitika o backroom deals.
Nanawagan din ang CBCP sa Kongreso at Malacañang na patunayan na para sa bayan at hindi sa kapangyarihan ang kanilang paglilingkod.









