Nanindigan ang pamunuan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na hindi makalulutas sa paglaganap ng kriminalidad ang parusang kamatayan.
Sa pahayag ni Fr. Jerome Secillano, Executive Secretary ng CBCP-Permanent Committee on Public Affairs, dapat ay ang matapat na pagpapatupad ng batas at hindi nasusuhulang mga otoridad ang gawin para matigil ang paglaganap ng krimen.
Tugon din ito ni Fr. Secillano sa apela sa Kongreso ng Pangulong Rodrigo Duterte na muling isabatas ang death penalty sa pamamagitan ng lethal injection para sa mga mahuhuling lalabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Naniniwala rin si Fr. Secillano na ang maayos na sistemang pangkatarungan ang nararapat na isulong sa pagsugpo ng krimen sa bansa.
Iginiit pa ng pamunuan ng CBCP na hindi mababago ang paninindigan ng simbahan laban sa death penalty dahil isinusulong at itinataguyod nila ang kasagraduhan ng buhay ng tao sa kabila ng kasalanan na nagagawa ng mga ito.