Umaapela ang Diyosesis ng Sorsogon sa publiko na tulungan ang mga residente na apektado ng pag-alburuto ng Bulkang Bulusan.
Batay sa ulat ng Catholic Bishops Conference of the Philippines o CBCP, sinabi ni Caritas Sorsogon Director Father George Fajardo na may mga pangangailangan ang maraming residente partikular ang mga nananatili sa evacuation centers ngayon.
Kabilang sa mga ito na maaaring i-donate sa mga residente ay kumot at banig, mga pagkain, at malinis na inuming tubig.
Gayundin ang mga face mask, at mga gamot o serbisyong medical lalo na para sa mga nakaranas ng problema sa kalusugan dahil sa ibinugang abo ng Bulkang Bulusan.
Ayon kay Father Fajardo, karamihan sa mga naaapektuhan ng pag-alburuto ng Bulkang Bulusan ay ang mga bayan ng Juban at Irosin.
Sa mga nais naman na magpadala ng tulong, maaaring direktang makipag-ugnayan sa CBCP o kaya ay sa Diocese of Sorsogon.