CBCP, umapela na muling ipatupad ang deployment ban sa Kuwait

Nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ng muling pagpapatupad ng deployment ban ng mga Pilipinong manggagawa sa Kuwait.

Bukod dito, hiniling din ni Balanga Bishop Ruperto Santos ng CBCP-Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People (CBCP-ECMI) sa gobyerno na makipagkasundo sa pamahalaan ng Kuwait na ipatupad ang memorandum of agreement para sa proteksyon ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na nilagdaan ng parehong panig.

Kasunod ito ng balitang ginahasa ng isang Kuwaiti police ang Pilipinang kararating lang sa kanilang bansa para magtrabaho.


Dapat tiyakin aniya ng parehong bansa na mabibigyan ng katarungan ang sinapit ng Pinay.

Ayon pa kay Santos, malinaw na paglabag ito sa kasunduan ng dalawang gobyerno, na dapat ay sisiguro sa kaligtasan ng mga OFW.

Pebrero noong nakalipas na taon nang ipatupad ang total deployment ban ng mga OFW sa Kuwait matapos ang pagpatay sa Pilipinang si Joa­nna Demafelis na natagpuan ang bangkay sa loob ng isang freezer.

Binawi ito ng Department of Labor and Employment (DOLE) noong Mayo nakaraang taon matapos lagdaan ng Pilipinas at Kuwait ang nabanggit na kasunduang mangangalaga dapat sa mga OFW.

Facebook Comments