CCTV Footage na Makatutulong sa Pagtukoy sa mga Suspek ng Pagpatay kay NDFP Peace Consultant Malayao, Hawak na ng PRO2!

201

Hawak na ngayon ng Police Regional Office 2 (PRO2) ang CCTV footage na makatutulong sa ginagawang imbestigasyon upang matukoy ang mga salarin ng pamamaslang kay NDFP peace consultant Randy Malayao kamakaylan.

Ito ang ipinakita ng PRO2 sa isinagawang press conference sa Nueva Vizcaya Police Provincial Office kanina.


Sa unang kuha sa video habang pasakay ng bus sa Kamias Victory Bus Line si Malayao ay nakita ang isang lalaking may kahinahinalang kilos ang sumunod sa kanya at tila pasimple nitong kinuhanan ng larawan ang body number ng bus na sinakyan nito.

Isa pa umano ito sa tinitignan ng kapulisan na maaaring may kaugnayan din sa pamamaril kay Malayao.

Sa pangalawang video habang naka Bus Stop sa Aritao ay nakita naman ang dalawang lalaking nasa harapan ng bus na tila naghihintay ng pagkakataon upang pumasok.

Ang isa ay nakasuot ng jacket, pantalon at may mahabang scarf sa leeg habang ang kasama naman nito ay nakasuot ng jacket, pantalon at sumbrero habang naninigarilyo.




Makaraan ng ilang sandali ay umakyat na ang Gunman na nakasumbrero at sa video ay narinig ang pagputok ng baril nito na sanhi ng pagkamatay ni Malayao matapos mabaril sa ulo.

Matapos nito ay kita din sa video ang pagtakbo ng suspek at maysuot na itong facemask.

Sa ngayon ay hawak na ng mga otoridad ang video at isasailalim na sa enhancing procedure upang makilala ang mga salarin sa pagpatay habang naniniwala pa ang kapulisan na malaki ang maitutulong nito sa kanilang imbestigasyon.

Facebook Comments