Natapos na kahapon ang naganap na bakbakan sa pagitan ng mga tropa ng militar at Moro Islamic Liberation Front sa Barangay Ulitan, Ungkaya Pukan, Basilan na nagsimula noong Nobyembre 8.
Ito’y sa paglagda kahapon ng magkabilang panig ng kasunduan sa pangangasiwa ng Government of the Philippines MILF Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities at Ad Hoc Joint Action Group.
Ayon kay Western Mindanao Command (Westmincom) acting Commander Brigadier General Arturo Rojas, napagkasunduan sa negosasyon ang immediate ceasefire sa pagitan ng magkakakatungaling partido at pag-pull out ng mga MILF-BIAF reinforcements na hindi residente sa lugar.
Pinahintulutan din ng kasunduan ang pagbalik ng grupo ni MILF Commander Huram Malangka at kanilang mga pamilya na residente ng Barangay Ulitan, kasama ang kanilang armas na kailangang itago sa kanilang bahay habang naghihintay ng decommissioning.
Kasama rin sa kasunduan ang pagtatatag ng composite AFP-PNP-MILF detachment sa lugar kontra sa mga lawless elements.
At para maiwasan ang kahalintulad na insidente sa hinaharap, napagkasunduan na ang anumang isyu sa lugar na may kinalaman sa MILF ay agad na i-report sa GHP-MILF CCCP at AHJAG.