Cebu City Mayor Edgar Labella, umapela sa kanyang nasasakupan ng maging mahinahon at unawain ang ipinatupad na city-wide lockdown

Nanawagan si Cebu City Mayor Edgar Labella sa kanyang mga nasasakupan ng maging mahinahon at unawain ang ipinatupad na city-wide lockdown at pansamantalang suspensyon ng quarantine passes sa mahigit 250,000 residente.

Sa video na ini-upload ng alkalde sa kanyang Facebook page, tiniyak nito ang koordinasyon at pakikipagtulungan sa national government upang masolusyunan ang problema sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lungsod.

Kaninang umaga, ikinasa ng local government ng Cebu City ang isang pagpupulong kasama ang mga concerned agencies para sa pagsasapinal ng guidelines ng lockdown at pagpapalabas ng bagong quarantine pass.


Sa interview ng RMN Manila kay Central Visayas Police Chief Police Brigadier General Albert Ignatius Ferro, sinabi nito na kanilang nire-reevaluate ang mga quarantine pass na una nang inilabas ng otoridad.

Sa ngayon ay ipinag-utos na ni Department of the Interior and Local Government Secretary Eduardo Año ang pagde-deploy ng karagdagang pwersa ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines upang tumulong sa pagpapatupad ng lockdown sa Cebu City.

Una nang inideploy sa lungsod ang 100 pulis mula sa Western at Eastern Visayas upang umagapay sa umiiral na Enhanced Community Quarantine.

Sa ngayon ay pumalo na sa 4,479 ang confirmed COVID-19 cases sa Cebu City.

Facebook Comments