CENRO CAUAYAN, NAGPAALALA HINGGIL SA PROYEKTONG BASURA MO, KAPALIT AY BIGAS

Cauayan City, Isabela- Muling nagpaalala ang City Environmental and Natural Resources Office (CENRO) sa mga residente dito sa Lungsod ng Cauayan na ipunin pa rin ang mga plastic na basura para sa muling pag-arangkada ng “Basura Mo, Kapalit ay Bigas” project.

Sa ating naging panayam kay CENRO Officer Atty. Alejo Lamsen, pinaalalahanan nito ang mga Cauayeño na huwag itapon ang mga naipong basura gaya ng mga empty sachet ng shampoo, noodles, o anumang klase ng plastic na hindi nabubulok at nabebenta dahil maaari nang tumanggap ng mga naturang basura ang CENRO simula sa buwan ng Agosto.

Kinakailangan lamang aniya na hugasan at linisin ang mga dadalhing plastic para tanggapin ito at dapat tuyo rin ang mga ipapalit na basura.

Muling nilinaw ni Lamsen na ang bawat dalawang (2) kilong basura ay papalitan ng isang kilong bigas.

Ayon pa kay Lamsen, magsisimula ang kanilang pagtanggap ng basura at pagpapalit ng bigas sa August 30 hanggang sa December 30 ng kasalukuyang taon nang sa ganon ay magkaroon ng bigas ang mga Cauayeño bago mag bagong taon.

Layunin ng naturang programa na maturuan ang mga residente na mag-ipon at maghiwalay ng mga basura at makatulong na rin para mabawasan ang mga basura at mapanatili ang kalinisan ng buong siyudad ng Cauayan.

Facebook Comments