Center for Disease Control, muling isusulong sa 19th Congress

Ihahain muli ni Albay Rep. Joey Salceda sa 19th Congress ang panukala na paglikha ng charter ng Center for Disease Control (CDC).

Giit ng kongresista, napapanahon ang pagtatatag ng CDC dahil sa pagsulpot ng iba’t ibang uri at mga bagong sakit gaya ng patuloy na mutation ng COVID-19 at monkeypox.

Ibinabala pa ni Salceda na dahil sa unti-unting pagkawala ng natural habitats at problema sa climate change, dadami pa ang mga tinatawag na “zoonotic diseases” o iyong mga sakit na galing sa hayop.


Layunin ng panukalang pagtatatag ng charter ng CDC na mapaghandaan ng bansa ang pagdami ng mga infectious diseases at magkaroon tayo ng mga sapat na eksperto para mag-aral ng iba’t iba at mga bagong sakit.

Nakapaloob sa isusulong na panukala na ang Center for Disease Control and Prevention ay ipapasailalim sa mga kasalukuyang infectious disease units pero palalawakin ang kanilang health emergency powers.

Magsasanay rin ng mga staff para sa mga biglaang health emergency gaya ng COVID-19 pero ito ay papangasiwaan pa rin ng Department of Health (DOH).

Facebook Comments