Central Information System laban sa COVID-19, pina-se-set up sa gobyerno

Pinag-se-set up ng ilang kongresista ng Central Information System ang gobyerno upang may iisang platform na lamang na pagkukunan ng impormasyon kaugnay sa paglaban sa COVID-19.

Tinukoy ni Asst. Majority Leader at ACT-CIS Partylist Rep. Nina Taduran na ang iba’t-ibang online sites at hotlines na ibinibigay ng gobyerno ay nakadagaragdag lamang ng confusion o kalituhan sa mga tao.

Kung magkakaroon, aniya, ng iisang command center ay maaaring maiwasan ang misinformation at miscommunication dahil magiging iisa na lamang ang pagkukunan ng balita, advisories at consultations kaugnay sa COVID-19.


Ang iisang online site at central call center ang siyang pagkukunan ng impormasyon sa kalusugan, financial assistance at direktiba ng pamahalaan sa paglaban sa COVID-19.

Nakalagay din dapat dito ang halaga kung magkano na ang inilalabas ng bawat Local Government Unit (LGU), ano na ang mga naipamahaging tulong at anu-ano pang mga lugar ang nangangailangan ng ayuda.

Hiniling din ng lady solon na gawin ito sa wikang Filipino upang agad na maintindihan ng mga tao.

Facebook Comments