Tiniyak ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Central Visayas ang pagpapatupad ng mahigpit na guidelines sa pampublikong transportasyon sa oras na sumailalim na sa General Community Quarantine (GCQ) ang buong rehiyon.
Sa kasalukuyan, tanging ang Cebu na lamang ang nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) habang ang Bohol, Negros Oriental at Siquijor ay nasa ilalim na ng GCQ.
Ayon kay LTFRB-Central Visayas Director Eduardo Montealto Jr., mahigpit pa rin ang kautusan sa mga riding public ng pagsusuot ng face mask at pagsunod sa social distancing kahit pa papayagan na ang ilang public transport operations.
Nakasaad sa guidelines ang paglimita sa 50% lamang na passenger load upang matiyak ang social distancing sa loob ng sasakyan gayundin ang regular disinfection sa mga public transport facilities at mga Public Utility Vehicles (PUVs).
Hindi naman papayagan ang mga provincial buses na huminto, magsakay at magbaba ng mga pasahero sa mga lugar naman na nasa ECQ.
Magpapatupad naman ng limited operations sa mga public utility jeepneys habang ang mga taxi at Transportation Network Vehicle Services (TNVS) tulad ng Grab ay papayagan lamang mag-operate kung mayroong physical distancing at ipinapatupad na sanitary practices sa loob ng sasakyan.
Hindi pa rin papayagan ang mga motorcycle taxis na bumalik sa operasyon upang maiwasan ang close physical contact sa pagitan ng driver at pasahero.
Oobligahin naman ang pagsasagawa ng body temperature check sa mga pasahero gayundin ang pagkakaroon ng disinfecting facilities sa mga public at private transport terminals.