Iginiit ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na pagtugon sa pandemya, kawalan ng trabaho at pagtaas ng presyo ng bilihin ang dapat tutukan ng Kongreso ngayon at hindi ang Charter Change.
Punto pa ni Drilon, hanggang ngayon ay naghahagilap pa rin ng pondo para sa COVID-19 vaccines, at hindi pa rin nakakabangon ang bansa mula sa epekto ng pandemya at pananalasa ng mga nagdaang bagyo.
Pahayag ito ni Drilon sa harap ng muling paghahain ng resolusyon na mag convene ang 18th Congress bilang constituent assembly (con-ass) para amyendahan ang ilang economic provision sa ating konstitusyon.
Ang mga kaalyado ng Malacañang na sina Senator Francis Tolentino, Ronald Bato Dela Rosa at Christopher “Bong” Go ang naghain ng resolusyon noong nakalipas na buwan.
Giit ni Drilon, magiging pagsasayang ng oras ang anuman hakbagn para Cha-Cha dahil malinaw sa ating kasaysayan na wala na itong tyansa na magtagumpay kapag nasa huling bahagi na ang administrasyon.
Diin pa ni Drilon, malabo ring umusad o maaprubahan sa Senado ang nabanggit na resolution bukod sa wala ng sapat na panahon para gawin ito dahil eleksyon na sa susunod na taon.